Apat na Mahahalaga sa Pagtatapos Nang Mahusay
Mula sa Gospel Translations Tagalog
By Jerry Bridges
About Perseverance of the Saints
Part of the series 2007 National Conference
Translation by Amen Quizon
You can help us improve by reviewing this translation for accuracy. Learn more (English).
Nagtiis si Pablo hanggang sa huli, ngunit si Demas, sa ating pagkakaalam, ay hindi (2 Timoteo 4: 7, 10), kahit na siya ay minsang naging isang kapwa-manggagawa (Filemon 1:24). Mahalaga ang mensaheng ito lalu na sa mga kabataan dahil mahaba-haba pa ang kanilang lalakbayin sa buhay. Ang pagtatapos nang mahusay sa ating buhay sa mundong ito ay imposible kung tayo ay hiwalay sa Diyos. Katulad ni Pablo, paano nga ba tayo makapagtitiis sa tulong ng pagpapala ng Diyos?
1. Buong atensiyon na pakikipagniig sa Panginoon araw-araw. Araw-araw dapat ito, dahil kung hindi, makikita natin ang ating sarili na lumilihis ng direksiyon. Ang ating mga oras ng pakikipagniig sa Panginoon ay dapat na magpaigting ng ating pagmamahal sa Kanya na yuyurak sa temptasyon na mahalin ang mundong kasalukuyan na katulad ng ginawa ni Demas. Makatutulong ang isang plano, ngunit dapat ay maituro tayo nito sa Diyos mismo.
2. Pag-aangkop ng ebanghelyo araw-araw. Ang ebanghelyo ay para sa mga makasalanan. Bago tayo makipagniig sa Diyos, humarap tayo sa Kanya na may saloobin na katulad nang sa maniningil ng buwis na nanalangin ng, “Maawa ka sa akin, isang makasalanan,” at magtiwala lamang sa Panginoon na tayo’y gagawing matuwid. Magbibigay ito sa atin ng lakas ng loob na lumapit sa Panginoon at makipagniig sa Kaniya.
Kapag hindi natin araw-araw na iniangkop ang ebanghelyo, magsisimula tayong ibase ang ating ispirituwalidad sa ating pagganap, na kalaunan ay maghahatid sa atin sa pagmamataas o kawalang pag-asa. Ang pagpapaalala sa sarili na tayo ay makasalanan at, sa biyaya ng Diyos, tayo ay dinamitan ng pagkamatuwid Niya, ay magbibigay sa atin ng tunay at dalisay na dahilan na magpatuloy sa pagsunod kay Hesus at itakwil ang pagnanais na mahalin ang mundong ito. Kailangan nating magtrabaho nang husto, hindi upang hingin ang pagsang-ayon ng Diyos kung hindi dahil nasa atin na ito.
3. Pagtatalaga ng sarili sa Panginoon bilang isang buhay na alay araw-araw. Roma 12:1. Ang ‘alay’ sa Lumang Tipan na pinatutungkulan ni Pablo ay araw-araw na ginagawa ng mga pari. Dinadala niya ang kaparehong kabuluhang iyon sa mga banal sa Bagong Tipan. Ang ating mga katawan ay utang natin sa Diyos, at nararapt na araw-araw nating ilaan ang ating mga sarili sa Kanya. Katulad ng pag-apela ni Pablo kay Filemon (Filemon 1: 8-10), kahit na mayroon siyang karapatan na utusan ito, ganito rin ang kanyang pag-apela sa atin na ibigay ang ating mga sarili sa Panginoon. Ang hiwaga ng awa ng Diyos ay dapat na magtulak sa atin na ibigay ito nang walang gatol, at magagawa natin ito kung buong ibayo nating lalasapin at dadamhin ang Kanyang pagmamahal sa araw-araw.
4. Matibay na paniniwala sa pagiging pinakamataas ng Diyos at sa Kanyang pagmamahal. Panaghoy 3: 37-38. Ang buhay ay puno ng pasakit, ito man ay dulot ng natural na pangyayari o masamang pita ng iba. Ngunit ang Panginoon ay nasa itaas ng lahat ng uri ng kasamaan, at—sa pamamagitan ng pananampalataya—kaya nating magpasalamat para sa mga ito. Ginagamit ng Panginoon ang mga pagsubok upang hubugin tayo ayon sa Kanyang wangis. Ating alalahanin na kailanman ay hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan. Ang ebanghelyo at ang mga pangako ng Panginoon ay hindi mabibigo, at hindi rin Niya babawiin ang mga ito mula sa atin.