PARA SA IYONG KAGALAKAN/Ano Ang Ibig Sabihin Nito Para sa Akin?
Mula sa Gospel Translations Tagalog
By John Piper
About The Gospel
Chapter 7 of the book PARA SA IYONG KAGALAKAN
Translation by Desiring God
Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
- 1 Juan 5:13
Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.
- Juan 5:24
Kaya nga mangagsisi kayo, at mangagbalik-loob, upang mangapawi ang inyong mga kasalanan,
- Mga Gawa 3:19
Na magsipanatili kayo sa pagibig sa Diyos, na inyong asahan ang awa ng ating Panginoong Hesu Kristo sa ikabubuhay na walang hanggan.
- Judas 1:21
Nilikha tayo ng Diyos para sa kanyang kaluwalhatian.
Dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na mula sa malayo,.. yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian.
- Isaias 43:6-7
NIlikha tayo ng Diyos upang palawakin ang kanyang kadakilaan- gaya sa pagpapalaki ng mga bituin sa pag-gamit ng teleskopyo. Nilikha Niya tayo upang isalin sa atin at ipakita ang kanyang kabutihan at katototohanan, at kagandahan, at karunungan at katarungan. Ang pinakamakabuluhang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos ay ang pagkakaroon ng matinding kagalakan kung sino siya sa ating buhay. Ibig sabihin ang kaluwalhatian ay sa Diyos at atin ang kaaliwan. Nilikha tayo ng Diyos na siya ay lubos na maluwalhati sa ating buhay kapag tayo ay lubos na masagana sa kanya.
Ang bawat tao ay dapat mabuhay para sa Kaluwalhatian ng Diyos.
Kaya kung kayo'y nagsisikain man, o nagsisiinom man o anoman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.
- 1 Corinto 10:31
Kung tayo ay nilikha para sa kaluwalhatiaan ng Diyos, maliwanag na tayo ay dapat mamuhay para sa kanyang ikaluluwalhati. Ang ating tungkulin ay ayon sa kanyang disenyo. Samakatuwid ang ating pangunahing tungkulin ay ipakita ang kabuluhan ng Diyos sa ating buhay sa ating kapanatagan sa kanya. Ito ang anyo ng pagmamahal sa Diyos (Mateo 22:37) at pagtitiwala (1 Juan 5:3-4) at pasasalamat sa kanya (Awit 100:2-4). Ito ang ugat ng tunay na pagsunod, lalo na sa pagmamahal sa kapwa (Mga taga Colosas 1:4-5).
Lahat tayo ay nabigo sa pagluwalhati sa Diyos na nararapat lamang.
Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;
- Mga Taga Roma 3:23
Ano ang ibig sabihin ng “hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios”? Ang ibig sabihin ay wala sa atin ang ganap na nagtiwala at nagpahalaga sa Diyos ayon sa nararapat. Hindi tayo nasiyahan sa kanyang kadakilaan at sumunod sa kanyang mga yapak. Hinanap natin ang ating kagalakan sa mga ibang bagay; at itinuring na mas mahalaga sa Diyos, na isang tatak ng sumasamba sa isang diyos-diyosan (Mga Taga Roma 1:21-23). Simula ng pumasok ang kasalanan sa mundo, ang tao ay hindi tumatanggap sa Diyos bilang pinakamahalagang kayamanan sa kanyang buhay (Mga Taga Epeso 2:3). Ito ay isang matinding pagkakasala sa kadakilaan ng Diyos. (Jeremias 2:12-13).
Lahat tayo ay nararapat lamang na parusahan ng Diyos.
Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan…
- Mga Taga Roma 6:23
Hindi natin pinahalagahan ang kaluwalhatian ng Diyos. Papaano? Sa pagkakaroon ng pagnanais sa mga ibang bagay ng higit pa sa Kanya. Sa ating hindi pagpapasalamat, hindi pagtitiwala at pagsuway sa Kanya. Kaya nararapat lamang na itakwil niya tayo sa kanyang paraiso magpakailanman. “Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan” (2 Mga Taga Tesalonica 1:9).
Ang salitang “impiyerno” ay ginamit sa Bagong Tipan labing dalawang beses – labing–isa binanggit ni Hesus mismo. Ito ay hindi kagagawan ng mga mahina at galit na mensahero ng Diyos. Ito ay isang babala mula sa Anak ng Diyos na namatay upang iligtas ang mga makasalanan sa kaparusahan. Ang pagwawalang bahala dito ay isang malaking pagkakamali.
Kung ang Bibliya ay tumigil na sa puntong ito, tayo ay naitadhana na sa isang panghinaharap na walang pag-asa. Subalit, hindi ito dito nagtatapos.
Ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak upang magbigay ng Buhay na walang hanggan at lubos na kagalakan.
Si Kristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan
- 1 Timoteo 1:15
Ang mabuting balita ay namatay si Hesus para sa mga makasalan katulad natin. Siya ay muling nabuhay upang maging katibayan na ang kanyang pagkamatay ay nagbibigay buhay at maghandog ng buhay na walang hanggan at kagalakan (1 Mga Taga Corinto 15:20). Ibig sabihin maaaring magpawalang sala ang Diyos at siya pa rin ay makatarungan (Mga Taga Roma 3:25-26). “Sapagka't si Kristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan, ang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang tayo'y madala niya sa Diyos(1 Pedro 3:18). Ang pagtungo sa Diyos ay kung saan matatagpuan ang lubos na malalim at pangmatagalang kasiyahan.
Ang mga benepisyong tinubos ng pagkamatay ni Kristo ay ibinibigay sa mga nagsisisi at nanampalataya sa kanya.
Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka.
- Mga Gawa 16:31
“Pagsisi” ay ang pagtalikod sa lahat na mapanlinlang na pangako ng kasalanan. “Pananampalataya” ay ang pagiging masagana sa lahat ng pangako ng Diyos na kay Kristo. “Ang sumasampalataya sa akin,” sabi ni Hesus, “ kailan ma'y hindi mauuhaw.” (Juan 6:35). Hindi natin pinagsisikapan ang kaligtasan, hindi natin maaangkin ito (Mga Taga Roma 4;4-5). Ito ay isang biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Mga Taga Epeso 2:8-9). Ito ay isang kaloob (Maga Taga Roma 3:24). Makakamit natin ito kung ito ang ating pinakamimithi sa lahat. (Mateo 13:44). Kapag ito ay ating nagawa na, ang dahilan ng paglikha ng Diyos sa tao ay magiging ganap na. Siya ay ating niluluwalhati at tayo ay sumasagana sa kanya – magpakilanman.