PARA SA IYONG KAGALAKAN/Bakit Kinailangang Mamatay si Hesus?
Mula sa Gospel Translations Tagalog
By John Piper
About The Gospel
Chapter 2 of the book PARA SA IYONG KAGALAKAN
Translation by Desiring God
Na siyang inilagay ng Diyos na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Diyos.
-Roma 3:25
Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.
-1 Juan 4:10
Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Kristo, na naging sumpa sa ganang atin
- Mga taga Galacia 3:13
KUNG ang Diyos ay hindi tapat, walang pangangailangan na ang kanyang bugtong na Anak ay magdusa at mamatay. At kung ang Diyos ay di mapagmahal, walang kasiyahan para sa kanyang Anak upang magdusa at mamatay. Ngunit ang Diyos ay tapat at mapagmahal. Samakatuwid ang kanyang pag-ibig ay handang tapatan ang pangangailangan ng kanyang hustisya.
Ang kanyang Kautusan ay nagsasaad “At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas” (Deuteronomio 6:5). Ngunit mas mahal pa natin ang ibang mga bagay. Ito ang anyo ng kasalanan- pagwawalang bahala sa Diyos at paghahangad ng ibang bagay at pagsunod sa mga bagay na ito. Kaya ang sabi ng Bibliya “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos” (Roma 3:23). Niluluwalhati natin ang ating lubos na ikinagagalak. At hindi iyon ang Diyos.
Samakatuwid hindi maliit ang pagkakasala dahil ito ay laban sa Diyos na Dakila. Ang kabigatan ng paglalait ay ayon sa dangal ng pagkatao. Ang Lumikha ng lahat ay nararapat na bigyan ng pagkilala, paghanga at katapatan. Ang ating hindi pagbigay ng kahalagahan sa kanya ay pagtataksil. Ito ay paglalapastangan sa Diyos at sumisira sa kaligayahan ng sangkatauhan.
Dahil ang Diyos ay tapat hindi niya minamaliit ang mga krimeng ito. Nakakaramdam siya ng banal na galit sa mga may sala. Sila ay dapat na maparusahan, ito ay maliwanag “Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23). “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay” (Ezekiel 18:4).
Mayroong nagbabadyang paghuhukom sa lahat ng kasalanan. Ang hindi pagbibigay ng parusa ay hindi pagiging matapat. Ang pagkakasala sa Diyos ay parurusahan. Isang malaking kasinungalingan ang hindi pagtugon dito. Kaya ang sabi ng Diyos “Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin” (Galacia 3:10, Deuteronomio 27:26).
Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay di nakasalalay sa kaparusahan para sa mga makasalanan. Hindi siya nasisiyahan sa pagpapakita ng poot kahit na siya ay may karapatang magalit. Ngunit ipinadala niya ang kanyang bugtong na Anak upang tumanggap ng kanyang kapootan at ipawalang sala ang magtitiwala sa kanya. “Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Kristo, na naging sumpa sa ganang atin” (Galacia 3:13).
Ito ang ibig sabihin ng salitang “pangpalubagloob” sa mga talata sa pahina 11. Ito ay ang pag-aalis ng poot sa pamamagitan ng pagpataw sa kahalili. Ang kahalili ay ibinigay din ng Diyos. Ang kahalili, Si Hesu Kristo, ay di lamang sumalag ng poot ng Diyos; ito ay kanyang inako upang tayo ay di na magdusa. Ang poot ng Diyos ay nararapat lamang, ito ay naubos, hindi inurong.
Huwag natin gawing biro o maliitin ang kanyang pag-ibig sa atin. Hindi natin lubos na pasasalamatan ang kabutihan ng Diyos hanggat di natin isinasapuso ang kabigatan ng ating pagkakasala sa Diyos at ang parusang kakambal nito. Subalit kung sa pamamagitan ng biyaya, makakasumpong tayo sa kabutihan ng Diyos at tanggapin na di tayo nararapat sa kanyang pag-ibig, titingnan natin ang pagdurusa at pagkamatay ni Kristo at sasabihing “Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan” (1 Juan 4:10).